Kinse (15)
May ‘98
Akala ko nakalimutan nang talaga ang pinagsamahan nating dalawa. Apat na taon nang nakalilipas pero bakat pa rin sa isipan ko ang magaganda at kakiligkilig na mga pangyayari. Alam kong nagtaka ka kung bakit ako biglang umiwas. Sinisuguro ko sayo na wala kang ginawang masama sa akin. Ako lang yon.
Takot ako noon dahil noon ko lang naramdaman ang kakaibang damdamin. Bata pa lang kasi ako at sa unang pagkakataon ko lamang naramadaman iyon. Kakaiba. Pag-ibig ba?! Di ko alam. Wala naman kasi akong alam tungkol sa mga bagay na yan.
Pasensya ka na dahil alam kong nasaktan kita. Sorry, di ko sinasadya. Nataranta ako sa mga nangyayari sa atin noon. Di ko mapigil ang sarili ko sa mga gusto kong gawin sayo. Nakakatakot. ‘Sensya ka na umiwas ako.
Natatakot ako sa mga magulang ko, sa sasabihin ng ibang tao, syempre may reputasyon ako. T-bird sabi mo nga.
Grabe, parang nadurog ako, parang nawala ako sa sarili ko. Di ko akalain na makakatagpo ako ng katapat. Kaya rin ako umiwas dahil may pride din ako noon. Mataas ang pride ko lalo na pagdating sa mga lalaki. Women rules! Pride…pwe! Wala na…nawala ka na sa akin.
Natatakot ako na masktan, natatakot na mawalan…mawalan ng lahat ng pinagkakaingatan ko. Kaya umiwas ako.
Sayang, ang sarap pa naman ng feeling na inosente ka. Ng feeling na di mo alam ang ginagawa mo pero parang nagtataya ka ng buhay mo sa lahat ng pinaggagawa natin. Ang sarap ng feeling ng di mo alam kung ano ang susunod mong gagawin. Parang kinakabahan ka na parang may kinatatakutan na may halong tuwa dahil alam mo na kahit anong mangyari ay ok lang.
Sayang…bumitaw ako…hinayaan kitang malaglag.
Nagtaka rin ako kung bakit iniwasan mo rin ako. Naisip ko na baka napahiya ka sa ginawa kong pagiwas sayo. Di ko maintindihan kung ano ang nangyari at nawala ka na lang bigla.
Ang tanga ko!
Apat na taon nang nakalilipas pero di ko pa rin makalimutan ang nangyari sa ating dalawa. Kahit sabihin mo pang marami nang nagdaan sa buhay ko. Iyon pa rin ang pinakamaganda, makulay at matamis na karanasan sa buhay ko. Ngayon panaginip ka na lang. Isang alaala. Isang nakaraan na alam kong di na babalik pa dahil baka maulit lang muli ang mga takot at sakit na naramdaman. Naiisip pa rin kita…makalipas ang apat na taon.
(At makalipas ang 5 taon, natuklasan kong nag-asawa ka na pala at me anak na sa iba. Sayang ka, ke bata mo pa)
No comments:
Post a Comment