12.13.2004

Ang alaga naming si max...bow.

Madaling araw.

Naalimpungatan ang tatay ko nang makarinig siya ng ingay sa baba ng bahay.

"May kumakaskas sa pintuan...sino kaya yun?"

Bumaba ang tatay ko para silipin kung ano o sino ang kumakaskas. Nakita niya na si Max (Maximiana), ang alagang, aso namin na kumakaskas sa pintuan (ito yata ang paraan nila ng pagkatok). Inakala ng tatay ko na kaya siguro siya kumakaskas sa pintuan ay para pagbuksan nya ito para makapasok sila ng anak nya sa loob.

Nakapasok na sila sa loob at papanhik na sana ang tatay ko nang biglang sa likuran ng bahay may tila kumakaskas ulit sa pinto.

Si Max ulit. Binuksan ng tatay ko ang pinto. Akala niya gusto nyang pumasok sa loob ng bahay. Nagkatinginan ang dalawa. Nagiintayan.

Matapos ang ilang segundong titigan ay lumapit si Max sa pinto ng bodega at kinaskas nya ito.

"Ahhh gusto mo pumasok sa loob ng bodega" sa loob loob ng tatay ko.

Binuksan ng tatay ko ang pinto ng bodega para kay Max. Binuksan ang ilaw at doon niya nakita na kaya pala gustong pumasok ni Max sa loob ay dahil nanganganak na ang kanyang anak. (Wala siyang tunay na pangalan dahil iba iba ang pangalan na binigay namin sa kanya, tawag ko sa kanya Bitch "babaeng aso").

Hindi umalis ang tatay ko sa pinto. Pinanood niya kung ano ang gagawin ni Max kay Bitch.

Habang nanganganak si Bitch, kinukuha ni Max ang bagong silang at medjo dinadaganan niya ito. Medjo dinadaganan para tuyuin ang balahibo ng bagong silang. Astig ano?

Kahit si Max jr., ang tutang anak ni Max ay nandoon din para mag-assist sa panganganak ng kanyang kapatid. Katabi ni Max jr. ang kanyang mga pamangkin. At mapapansin na nakahiwalay ang mga tutang may maputing balahibo at mga tutang may maitim na balahibo. Kakaiba. San ka nakakita ng ganon?

Talagang nanay na nanay ang dating ni Max! Biruin mong hindi umaalis sa tabi ni Bitch si Max at mahuhuli mo pa na nagpapasuso din si Max ng mga anak ni Bitch! Lolang lola ang dating!

Parang ang sarap pag-aralan ang ganitong kaasalan ng mga aso. Kakaiba...ang sikolohiya ng mga aso. Hindi ko akalaing may ganitong klaseng damdamin pala ang mga ito. Hindi ko akalaing nag-aalala ang mga ito at nag-aaruga ng kapwa aso nila. Hindi araw-araw ay makakakita ka ng ganitong klaseng pagmamahal at pag-aaruga ng nanay na aso sa kanyang anak.

Parang tao. Bow.



No comments: