7.19.2004

Pagbalik ng Alaala ng Pagpapatiwakal 2

Nakatago sa loob ng drawer ko yung “personal book for executives 2002” a.k.a. personal calendar of activities, di ko pa rin tinatapon hanggang sa ngayon. Dapat nga itapon ko na siya kasi pampasikip lang sa drawer ko. Syempre binasa ko muna yung mga nakasulat doon. Di ko nga sya masydong nagamit e. Karamihan ng nakasulat dun eh mga schedule ko ng mga meetings at minutes ko ng mga meetings ko. Then I found something:
 
April 3, 2002 entry:
 
“Today I died. Yep, I died.
 
Mia was found dead on April 3 at around 3:00 P.M. She died of a massive heart attack. She was reading a letter…an email from someone she really loved.”
 
Hmmm…naalala ko kung ano laman ng sulat na yaon at kung kanino galing yun. Naalala ko rin na matapos ko basahin ang sulat na ito ay dali-dali akong naglakad (take note hindi tumakbo) sa loob ng banyo at doon ko binuhos ang sama ng loob ko (hindi tae).
 
Ayaw ko kasi na may makaalam ng problemang dinadala ko. Ayaw ko na makita nila ang kahinaan ko.
 
Iyak ako ng iyak sa loob ng CR. Iyak na mahina, hindi hagulgol bagama’t napakahirap pigilin. May mga tao kasi sa loob kaya hindi ko mabigay ng todo. Nagmamakaawa ako ke Lord na sana kunin na niya ako.
 
May dalawang babae na pumasok sa loob ng CR. Yung babae sa kabilang cubicle tinanong yung kasama niya sa kabilang cubicle. “Bakit ka humahagikgik dyan?”
 
Tanghena tunog hagikgik ba ang pag-iyak ko? Pinipigilan ko kasi na wag maging maingay, mahirap sa dibdib ang magkulob ng hagulgol at ng sama ng loob.
 
“Hindi ako tumatawa ano?” sabi nung isang babae
 
“Eh ano yun?”
 
Akala siguro nila pinaglalaruan sila. Kahit papaano nahimasmasan din ako nun sa pag-iyak, na-conscious kasi ako bigla e. Hinintay ko muna na makaalis yung dalawang babae at saka ako lumabas ng cubicle.
 
Naghilamos ako ng mukha, at bumalik sa akin kinauupuan. Nagtrabaho ulit. Sana walang nakahalata (na mahina ako) sabi ko sa sarili ko.
 
Gusto ko nang umuwi ng araw na iyon pero naisip ko na wala ring mangyayari. Iiyak lang ako ng iiyak pagdating ko sa bahay. Wala rin akong makakausap doon at hindi rin naman mapapanatag ang kagad ang kalooban ko…baka kung ano pa ang gawin ko.
 
Kaya’t ipinagpatuloy ko ang araw na iyon na parang walang nangyari. Binigay ko na lang ng isang matamis na ngiti ang bumati o ang tumingin sa akin, na parang hindi naghihirap ang kalooban ko.
 
Buhay pa rin ako…nga ba?
 

No comments: