Nung isang gabi, galing ako ng Pampanga at nakatsukaran ko yung mamang driver ng fx papuntang Pasig. Nasa harapan kasi ako nakaupo, at siguro kaaya-aya at approachable ang dating ng aura ko nun kaya nya ako tsinika.
“May simbahan po” sabi nung ale na nakaupo sa likuran ng sasakyan.
“May simbahan naman talaga eh, di naman nawawala yan” bulong nung driver, sabay tingin sa akin.
Napangiti lang ako. Alam ko nais nyang pakahulugan sa mga katagang yun.
“Iba na talaga magsalita ang mga tao ngayon. Minsan hindi mo na maintindihan ang ibig nilang sabihin” wika nung mamang driver.
“Oo nga” ang sabi ko na lang. Wala ako masyadong ganang makipagkwentuhan dahil pagod na nga ako nun.
“Nung isang araw naman,” patuloy ng mamang driver,
“may mag-ina na umupo sa likod (ng sasakyan ko)…sabi nung ale…
‘Manong, bayad ko ho yung bata’…
tapos bigla na lang umiyak yung bata ng pagkalakas lakas. Para bang may tumusok ng kung anong pordible sa puwitan niya at dali-daling kinarga ang bata.
‘anong nangyari sa iyo?’ wika nung ina habang iyak lang ng iyak yung bata…
Pati mga pasahero nagtataka at naiistorbo na rin sa pag-iyak nung bata.
tapos sabi nung bata ‘kasi, sabi mo ibabayad mo ako!’ Lahat ng mga pasahero nagtawanan!”
Natawa din ako dun sa kwento. Tapos naalala ko na may pagkakataon na ganun din ako magsalita. Tamad magsalita o tamad magisip ng tamang salita.
“Ma, kikitain ko sina Jenny”
“Anong kikitain? Ibebenta mo sya?”
“Ibig kong sabihin, makikipagkita ako sa kanya”
“Aaahh…”
No comments:
Post a Comment