2.09.2005

Oishi desu ne!

Pauwi na kami ng Manila galing Tarlac. Galing na naman ako sa bakasyon. Bakasyon ko yun e...ang magpunta sa Tarlac kahit na trabaho ang pinunta namin dun. Mas relaxed ako dun kesa sa office namin. Doon nagkakaroon ako ng oras na manuod ng pelikula at makapag babad sa bath tub habang binabasa ko ang hiniram kong libro ni Alex - ang Calling ni Gregg Levoy. At wala masyadong pressure.

Nasa sasakyan na nga ako pauwi ng Maynila. Tumigil muna kami sa isang pit stop - Shell gas station para umihi. Malayo malayo pa naman ang biyahe at naghahanap ang bibig ko ng mangangata sa daan. Pinili ko ang Oishi Prawn Crackers.

Nilalantakan ko na ang Oishi. Binababad ko ang isang piraso sa bibig at pilit na nilalasahan ang flavor ng hipon. Tiningnan ang Nutrition Facts at doon ko napansin na ang main ingredient nya ay flour. Nasa isip ko. Wala doon ang essence ng kinakain ko.

Isang stick pa ng Oishi ang pinasok ko sa bibig ko...hinahabol ko na naman ang lasa. Sa isip isip ko na sa isang stick lang hindi talaga lubusang makakapa ng dila ang lasa ng hipon. Kailangan maraming sticks ang makain mo hanggang sa makonsumo mo ang lahat ng sticks ng Oishi. Kahit nga nakonsumo mo nang lahat hindi ka pa rin kuntento dahil hinahabol habol mo ang lasa ng hipon. Ang lasang naiiwan sa mga dila mo pilit mong inaalala at hinahanap hanap.

Pero ubos na ang Oishi ko. Pati mga latak nito nakain ko na. Dinilaan ko na nga pati lalagyan. Maghahanap na naman ako ng Oishi nito.

No comments: