Wrote this on Feb 1, 2001.
Martes ng gabi (Jan 16, 2001)
Kagagaling ko pa lamang sa eskwelahan, inaasahan ko na ang lahat ng tao sa amin bahay ay nasa taas na at namamahinga, gawa ng mga alas-diyes na ng gabi ng ako ay makarating sa aming bahay. Nagulat akong nang makita ko ang nanay ko na nanonood ng telebisyon. Lalo akong nagulat nang makita ko na may impeachment trial sa tv. Akala ko maaga ang uwi ko dahil sa me trial pa, yun pala na-extend ang proceedings ng trial na ito. Tinanong ko ang nanay ko kung bakit meron pa nito sa tv gayong ala-otso nagtatapos ang trial. Kinuwento nya sa akin na nagbotohan pala ang mga senador kung bubuksan ang ikalawang sobre o hindi. Napag-alaman ko na ang hatol pala ay huwag buksan ang sobre. Nang malaman ko rin kung para saan ito, at malamang nag-sasayaw pala si Sen. Tessie Oreta nainis ako…nabuwisit ako sa mga pangyayari dahil parang tinatago sa taong bayan ang katotohanan. Napaisip tuloy ako/kami bakit ayaw buksan ang sobre. Hindi ko na ito pinansin ulit at tumungo na sa aming computer para magbasa ng mga emails. Maya-maya ay nilapitan ko ang nanay ko tapos sabi nya patay na raw si Erap. Nagulat ako, kaya tinanong ko kung paano namatay. Luka ang nanay ko sinabi ba namang sa sobrang tuwa daw ni Erap dahil sa hindi nabuksan ang ikalawang sobre ay namatay daw sa tuwa. Haaay nakoooo!!! Yun lang ang nasabi ko. Sa sobrang pagkainis sa mga pangyayari sumulat ako sa message board sa isang site sa internet. Kinabukasan marami akong nakitang nagpahayag ng kanilang pagkainis sa nangyari kagabi, doon sa paglilitis. Napag-alaman ko rin na ang dami ring palang nagpuntang tao sa EDSA shrine. Walang nagsabi sa kanila na magpunta dito at magtipon ng gabing iyon pero dala ng di-maipaliwanag nadamdamin nagpunta sila doon at naglamay dahil sa pagkamatay ng katotohanan at hustisya. Nalaman kong nagkatipon-tipon ang mga tao doon dahil sa aking kaibigan, tinanong ko kung bakit siya nagpunta doon. Ang sabi lang nya ay dahil sa pagkainis nang hindi buksan ang sobre at ang ilang bagay ay hindi na niya maipaliwanag. Maging siya ay nagulat ng makitang maraming tao sa shrine.
Miyerkules (Jan 17, 2001)
Kinabukasan balik pa rin naman ako sa dati. Medyo nawala na ang pagkainis ko sa mga nangyari kagabi. Pagpanik ko sa may mezzanine para magpapirma ng dokyumento sa aking boss ay nakabukas ang tv doon. Doon pinalabas na dumadami na nga ang mga tao sa EDSA maging ang mga pro-ERAP dito sa may Mendiola. Napagpasyahan ko na pumunta ng gabing iyon, pagkatapos ng aking trabaho gawa ng biglang naramdaman ko muli ang galit. Hindi na dapat pang magpatuloy ang ganitong sistema, sabi ko sa sarili ko. Ang pagpunta ko doon marahil para sa akin ay isang pagpapakita ng suporta at malasakit sa kapwa ko Pilipino. Pagpapakita ng paraan para mapatalsik ang demonyo sa kanyang trono. Ito na ang munti kong kontribusyon para sa aking bayan.
Pagdating ko doon medyo marami nang tao. Wala naman ako masyadong ginawa kundi makisigaw ng mga ERAP resign! Nakakatuwa rin ang mga ibang tao kasi ang iba sa kanila ay namimigaw ng mga pagkain. At siyempre hindi mawawala dyaan ang mga tindero at tindera na nananamantala sa dami ng tao doon. Kapag nangangawit ka naman ay walang problema dahil may mga may magagandang loob na nagdala ng tela para maupuan o mahigaan. Nagtagal pa ko doon at tinapos ang misa, doon na rin ako nakipagkita sa mga magulang ko na nagpunta. Ang nanay ko, natutuwa sa mga pangyayari at sa mga pasigaw-sigaw nang dumating sila. Noon lamang daw siya nakaranas ng ganoon at kakaiba daw ang pakiramdam kapag andun ka na. Sa pagod ko, dahil halos walong oras na akong nakatayo doon ay natulog na lamang ako sa sasakyan at hinintay ang kanilang pagbalik. Nang pauwi na kami, ang luko-luko kong kapatid ay nagbusina – in the tune of ERAP resign habang nagbibiyahe pauwi. Nakakatuwa dahil sumasagot at nakikisabay ang ilang mga kotse, jeep, at iba pang mga sasakyan sa amin. Masasabi mo talaga na ang daming may ayaw talaga kay ERAP.
Huwebes (Jan 18, 2001)
Kinabukasan medyo nagkakagulo dito sa La Salle dahil may mensaheng ina-announce si Bro. Dizon na hindi naman namin mainitndihan. Nang pumunta ako sa kanyang opisina para magpapirma ng MOA sa kanya ay nabalitaan ko na kung sino daw sa mga empleyado doon ang gustong pumunta ng EDSA ay makakapunta. Sabi ko uy! Pupunta ako ulit! Pero bago muna yun, kailangang matapos lahat ng trabaho. Yan din marahil ang dahilan kung bakit kakaunti nung mga araw na iyon ang mga tao dahil sa hindi nila basta-basta maiwanan ang kanilang mga responsibilidad. Ganyan din ang nasabi ng aking kaibigan at narinig sa ilang mga empleyado na gustuhin man nilang magpunta ay hindi nila magawa dahil sa kanilang trabaho. Kung pinayagan siguro sila ng kanilang mga bossing na pumunta ay mas marami pa ang mga tao sa EDSA. Kungsabagay nga naman daw hindi naman mapapakain ng rally ang kanilang mga pamilya.
Nang makarating na kami ulit doon kasama ng mga kaibigan ko naisip ko lang bigla kung ano ang dahilan ng ibang mga tao dito kung bakit sila nandodoon. Dahil ba sa masaya ito at nahikayat din ng mga kaibigan. Dahil sa talagang gusto nilang iparating sa Malacanang na hindi na nila nagugustuhan ang ginagawa ng administrasyon. O para maghanap ng mga fafa at mama???
Biyernes (Jan. 19, 2001)
Nararamdaman na namin na painit na ng painit ang mga nagaganap, dahil sa mga naririnig naming mga balita. Handa ako ng araw na ito dahil wala akong balak matulog at balak kong sumama kinabukasan papuntang Mendiola para patalsikin ang demonyo sa kanyang kinauupuan. Pagdating namin doon ay sus! Nagulantang kami sa dami ng tao! Nagumpisa na kaming maghanap ng puwesto. At ang una naming tinigilan ay dito sa may La Salle prayer tent. Doon muna kami. Ngunit bago naman kami makarating doon ay sus! ulit! napaka-sikip at kung tumayo ka lang doon ay parang madadala ka sa agos ng tao. Para bagang hindi mahulugan ng langgam ang parteng yon ng EDSA. At! may nagba-baging pa mula flyover hanggang baba! O di ba?! Kakaiba! Kaya nga halo-halo na rin nga ang dahilan ng mga taong nagpupunta doon. Kakalungkot isipin pero ganoon naman ata ang mga Pilipino pilit pa ring ginagawang kasiya-siya ang isang bagay na malungkot tulad nito. Nakakagawa pa rin tayo ng mga bagay bagay na sa kabila ng mga karahasang nagaganap eh nakagagawa at nakakatuklas tayo ng mga bagay bagay na pwede nating kaaliwan. Biruin mo ba namang may street party dito sa may badang Greenhills?!!! Kakaiba talaga!
Ang ilang mga lider at “star” ng paglilitis ay nagmisutlang mga artista na kapag nakita ng mga tao ay nagpapa-autograph at nagpapakuha ng litrato. Sabi ko nga sa sarili ko kakaiba rin ano?! Etong meron tayong artistang pulitiko na pinatatalsik tapos etong mga pulitiko dito nagpupumilit na maging artista kahit sa gabi lang na iyon. Saan ka ba naman nakakita ng mga ganyan — only in the Philippines!
Nang mapabalita na tinanggal na ng PNP at ng Armed Forces of the Philippines ang kanilang suporta sa pangulo ay natuwa ang lahat. Doon ko naramdaman na bilang na talaga ang oras, hindi araw, ni ERAP. Naamoy ko na ang tagumpay! Hindi na malayo at baba na sa trono nya si ERAP!
Gising kami buong gabi, bagama’t nakakanakaw ng mga ilang minutong pagtulog. Hindi kami makapaghintay na makita ang kanyang pagbaba. Unti-unti ring nangangaunti ang mga tao, marahil para makapagpahinga ng makakuha ng panibagong lakas kinabukasan – para ihirang ang bagong pinuno ng Pilipinas!
Sabado (Jan 20, 2001)
Dumating ang ala-sais ng umaga, nag-uumpisa na ang iba’t ibang grupo na pumuwesto para pumunta ng Mendiola. Pagod pa kami noon dahil nga sa walang tulog, pero nawala rin ang lahat ng iyon dahil masaya ang paglalakad papunta doon. Nakita ko roon ang iba kong mga kaibigan na matagal ko nang hindi nakikita. Bilang isa ring makulit at magulong tao, isa ako sa mga namumuno sa kantiyawan. Nang dumaan kami sa isang outlet ng Pepsi sinigaw ko lang na penging Pepsi, nagulat na lang ako dahil marami ring nakisigaw yun nga lang hindi kami binigyan. Nang dumaan kami sa Goldilocks sinigaw ko na pengeng mamon! Di rin kami nabigyan pero nang dumaan kami sa factory ng yelo at tubig ay binigyan na kami. May mga pribadong mga mamamayan ang nagbigay din ng gma tubig at pagkain sa amin. Nakakatuwa dahil damang-dama ko ang pakikiramay at pagtulong ng mga Pilipino, sana ganito araw-araw parang Pasko!
Nang malapit na kami sa may Nagtahan bridge tumigil ang paglalakad may gulo raw nangyayari sa harapan. Uy! Exciting! Hindi ko inintindi ang mga panganib na pwede kong maranasan kung sakali man ako ang nasa harapan. Nakakagigil nga kasi eh, handa na nga talaga akong makipagbakbakan doon. Naghintay pa kami ng ilang sandali at lumakad na ulit ang parada. Tapos tumigil na naman, ito na naghintay na kami ng matagal kaya nakinig na lang muna kami ng radyo. Nabalitaan na namin na ke mag-resign si ERAP o hindi ay idedeklara ng Supreme Court na bakante ang upuan ng pagkapresidente at sabay na mangangako sa pagka-pangulo si Gloria dito. Uy ok ‘to ah! Tapos maya-maya lang ay nadeklarang nag-resign si ERAP naghiyawan ang mga tao. Ang ilan sa mga ito ay dahil nga sa nadeklara na nga ang pagreresign nito kaya minabuti na lamang ng iba na bumalik sa EDSA para makita ang pagkahalal ng bagong pangulo ng Pilipinas. Ang iba ay nananatili sa kanilang mga puwesto. Para sa kanila isang simbolo ang pagpasok nila sa Malacanang. Dahil sa pakiramdam ng karamihan ay nanakaw sa kanila ang kanilang tiwala, kapangyarihan, ang aktotohanan, dignidad, pagkatao, at pagka-Pilipino. Kailangan nilang pumasok doon para makamit ito muli. Ang Malacanang kumbaga ang sentro ng lahat ng kapangyarihan. At kapag nahalalal ang bagong pinuno ibibigay ng tao muli ang kapangyarihang ito sa sinumang uupo. Ang tao muna ang hahawak bago kung sino pa man. Ngunit maraming natatakot na baka pagpasok ng mga tao ay babuyin ang palasyo, kaya andun sila at naghihintay. Kami naman dahil sa pagod ay minabuti na naming umuwi. Pagkalas namin sa grupo ay doon ko lamang naramdaman ang pananakit ng buo kong katawan. Para bang nahigop ang lakas ko at naiwan doon sa grupo na iyon.
Mapayapa ang nangyaring rally bagama’t may mga nasaktan ay hindi naman malala hindi tulad sa ibang bansa. Isa ito sa mga bagay na sa Pilipinas mo lang matutunghayan. Napagtanto ko rin dahil sa mga pangyayaring ito, na ok lang sa mga Pilipino na ihalal sa isang mataas na puwesto ang isang taong makasalanan pero oras na sila ay pinagdamutan ng kalayaan, tiwala, at katotohanan ay ipaglalaban nila ito hanggang sa kamatayan. Kumbaga wala kaming pakialam kung hindi ka nakatapos ng kolehiyo, babaero ka o lasenggero maging tapat ka lang at totoo sa trabaho mo’t responsibilidad at kapag dinungisan mo ang karapatang binigay ng tao sa’yo humanda ka.
No comments:
Post a Comment