Nagpunta kahapon si Mang Warly sa bahay. Hinahanap nya ang mama ko dahil magtatanong kung anong taon siya nanungkulan bilang barangay councilwoman. Medyo nagtagal din si Mang Warly doon dahil nakipagbidahan pa sya sa tatay ko. Andun lang ako at paminsan minsan ay sumasabat sa mga bagay na alam ko.
Tapos sabi niya sa akin "sayang ka, akala ko ikaw pa naman ang susunod sa yapak ng lolo mo." Lolo ko kasi dating kapitan ng barangay namin, pati ninuno ko, tatay ng lolo ko, naging kapitan din sa barangay namin. Hindi lang si Mang Warly ang nakapagsabi sa akin noon. May mga ilang matatanda din dito sa amin ang nagtanong sa akin kung bakit hindi daw ako tumakbo bilang konsehal ng barangay. Tatay ko rin naman kasi ang kumarera noong nakaraang eleksyon at wala na akong interes sa pulitika mula nang mamulat ang mga mata ko sa dumi nito.
"Masyado ho madumi ang pulitika kaya ayaw ko" ang nasambit ko na lang kay Mang Warly. Tapos sabi na lang niya na sayang nga daw ako dahil nakikita niya sa akin ang na makakatulong ako ng malaki sa pagunlad ng barangay namin.
Sumabat na lang ang tatay ko "nagma-masters kasi yan kaya wala sa utak niyan ang pagtakbo, may career yan". Tahimik lang ako.
Hindi handa ang barangay namin sa mga taong katulad ko. Hindi sa nagbubuhat ako ng banko o ano pa man, o minamaliit ang katalinuhan ng mga mamboboto sa amin. Hindi kasi ako traditional na lider, hindi ako TraPo. Sa totoo lang mas may karapat dapat pa nga sa akin, ngunit hindi nabibigyan ng pagkakataon na maibahagi nila ang kanilang galing, talino at husay sa pamumuno dahil alam nila na sa politika wala kang mahihita (maliban nga lang kung mangurakot ka, aba marami kang makukuha talaga).
Pero yun na nga siguro ang pinaka-dahilan kung bakit ayaw ko rin. Ayaw kong ilagay ang sarili ko sa ganoong klaseng sitwasyon na dudumihan ko ang pagkatao ko. Tama na yung isang beses na nadungisan ko sarili ko. Kaya tama na ako.
No comments:
Post a Comment