Kaninang hapunan may hinabol na ulam ang mama ko. Pinaksiw na ayungin na may isang dahon na hindi ko kilala. Tapos sabi ko sa kanila "bihira na siguro ang mga taong nakakakilala sa isdang yan ano?"
tapos sabi ng mama ko "di rin naman kasi ata masarap kapag hindi mo sariwang bibilhin"
kunsabagay ang mga isdang kadalasang makikita mo sa palengke ngayon ay frozen na. Ang isdang buhay na mabibili mo lang sa palengke ay ang hito.
Haaay naaalala ko tuloy yung mga panahong nakakaligo pa ako sa ilog Pasig. Hindi sa summer syempre! Ang ilog Pasig kapag summer ay parang isang malaking imburnal sa itim at dumi ng tubig.
Pagkatapos ng bagyo ako naliligo. At least malinis linis ng kaunti kahit papaano. Ang kagandahan pa nito pagkatapos ng bagyo eh umaapaw ang tubig mula sa mga fish pens sa Laguna de bay. Malapit lang kami sa Marikina line at Laguna de bay kaya kapag bumagyo...isa lang ang ibig sabihin nito. PICNIC!!!!!!
Minsan bangus ang kumakawala sa mga fishpens ng Laguna de bay minsan naman tilapia pero madalas at eto yung pinaka naaalala ko...kanduli!
Hmmm...hindi rin siguro marahil pamilyar sa inyo ang isdang kanduli. Ang isdang kanduli ay kamag-anak ng hito, mas maputi nga lang ang kanyang balat kumpara sa hito at may bigote rin. Ang isa sa mga characteristics ng kanduli rin ay medyo malansa sya kumpara sa ibang mga isda. Kaya siya malansa ay, ayon sa nanay ko, dahil sa kung ano ano ang kinakain nya; maging dumi ng tao kinakain nya. Yuck di ba? Pero isdang ulam pa rin ito.
Hindi naman porke't tae ang kinakain nya eh hindi mo na sya pwede kaninin. Syempre pwede! Pero may technique nga lang dyan para pag kinain mo sya ay hindi masyado malansa at marumi.
Ang ginawa namin nung sobrang dami ng kanduling nagkalat sa ilog Pasig, as in lumulutang na sila sa ibabaw ng tubig sa dami, hinuhuli namin sila sa pamamagitan ng balde. Yung iba sa pamamagitan ng lambat na may kuryente. Lo-tech lang kami e. Anyway, pinili namin yung mga malalaki at yung mga maliliit na isda ay binalik namin sa ilog para masaya. Siyempre ingat sa paghawak ng kanduli dahil mahirap nang matibo nito. Yes, may venom sa gilid ng gills ang kanduli na kapag natusok ka nito ay pwedeng magkaroon ka ng lagnat pero hindi naman sya nakamamatay.
Yung mga napiling malalaki ay nilagay namin sa isang mas malaking lalagyan na may malinis na tubig ulan. Tapos hinayaan namin na doon "huminga" ang mga kanduli. Kaya namin sila pinapahinga doon ay para mawala ang lansa at dumi na nasa sistema pa nila. Nakailang palit din kami ng tubig nun. Kasi habang humihinga ang mga ito ay naglalabas sila ng dumi so natural dumudumi din ang tubig. Magandang sensyales na pwede na syang katayin at lutuin kapag ang tubig na pinaghihingahan nya ay malinis na.
Matapos malinis ang isda, yung iba inasinan para iprito yung iba naman sinigang sa bayabas. Sarap ng kain namin na yun. Wala halos na gastos dahil galing sa ilog ang ulam namin. Yung ibng sangkap syempre sagot na ni Lola yun! (pero di nya alam na kumuha kami hahaha, dun kami kasi sa likod bahay nya nag-picnic, tulog na sya ng mga oras na yun). Syempre yung bigas hati hati na lang yun at ang panulak kanya kanyang ambag.
Haaay those were the days! Ang simple pero ang saya! Hindi kumplikado ang buhay. Iniisip ko nga na masuwerte talaga kami kumpara sa ibang mga kabataang lumaki sa ciudad. Mga batang lumaki sa probinsya malamang naranasan nila ang mga ganito lalo na yung mga nakatira sa tabing ilog at dagat.
Sarap balikan ang nakaraan. Sarap ng nakatira malapit sa ilog.
No comments:
Post a Comment