Masakit mawala sa piling mo ang mga mahal mo sa buhay mo, wala na yung taong nakakasama mo, wala na yung taong lagi mong binabati ng kiliti pagkatapos mo mag-mano (na alam mong gusto nya na ginagawa mo sa kanya yun at ina-anticipate nya)
Nang makita ko ang lola ko (sister ng lolo ko) na nakahiga sa kanyang kama sa ICU...walang buhay...nakikita ko siya na parang natutulog lang. Halos lahat ng mga kamag-anak ko na andun ay umiiyak...humahagulgol sa kanyang pagkawala. Hindi ko magawang maiyak sa kanyang pagkamatay. Mas naiiyak pa nga ako sa mga hagulgol at paghabol ng hininga ng mga kamag-anak ko. Alam kong minahal nila ang lola.
Mag-isa ako kasama siya sa loob ng kanyang kuwarto. Hindi pa siya nadadala sa morgue dahil may mga preparations pang ginagawa. Tinitigan ko siya, para lamang siyang natutulog. Hinawakan ko ang kanyang malambot, maputla at malamig na kamay, hinimas nang sandali at nagbigay respeto sa huling pagkakataon. Nag-mano ako...wala nang kasamang kiliti.
Paalam, Lola Jane (Juana) hanggang sa muli nating pagkikita.
No comments:
Post a Comment