3.14.2006

Parenting Style 1980s and beyond

Kanina sa MRT, kalong-kalong ng ina ang kanyang anak na gustong tanggalin ang kanyang sapatos dahil naiinitan na ang bata. Nasasagi na ng paa ng bata ang katabing matandang ale. Binulungan ng babae ang anak.

"Wag kang malikot, natatamaan mo yung matanda. Baka kainin yang paa mo"

Di ko alam kung narinig nung matandang babae. Dedma kasi. Abalang-abala sa mga nakikitang mga gusali at sasakyan sa labas.

Naalala ko kung paano tayo takutin ng ating mga magulang, lola, tita, tito, yaya, mga nakatatandang kapatid o pinsan kapag masyado tayong nagiging pasaway.

Pag nasugatan...

"Hala ka lalabas ang pari/ madre/ kalabaw/ simbahan/ tikbalang/ bumbay dyan sa sugat mo! bwahahaha!" bakit di na lang sabihin na wag mo nang kalikutin ang sugat mo dahil baka magka-impeksyon at magka-nana. Bakit pa kelangan sabihin na me lalabas ng kung anong dambuhalang nilalang mula sa isang napakaliit na sugat?

At dahil sa bata ka at nakatatanda sila e natatakot ka tapos iiyak ka. At dahil sa bata ka nga, kahit anong pagsusuway ng kung sino mang nakakatanda sayo e gagalawin mo pa rin ang iyong sugat. Curious e.

Pag masyadong makulit o ayaw sumunod sa nakatatanda...

"Kapag di ka tumigil sa kakulitan mo, ipapahuli kita sa bumbay!" o "Ipapasok kita sa sako at ipagbibili/ipamimigay kita sa bumbay!"

Ano naman ang kasalanan ng pobreng bumbay sayo at dinadamay mo sya sa kakulitan ng anak mo?!

Noong bata kasi, palibhasa sanay tayo na makasalamuha ang kapwa kakulay e pag may nakita tayong may isang nilalang na gagala-gala sa kanyang motor bike na iba ang itsura at kulay sa nakagawian na natin ay isa na syang kakaiba at nakakatakot na nilalang. Wala namang ginawang masama yung tao kundi ang mag5-6 at magtinda ng kumot, banig, alahas, aparador etc. sayo.

"Kapag di ka tumigil, kakainin ka nung mamang apat ang mata!" (sabay turo dun sa mamang inosente na 2 yapak lang ang pagitan sayo) o "Wag kang malikot, ipamimigay kita dun ke Lizardo*!" (sabay turo dun sa mamang kamukha ni Max Alvarado, na nuknukan ng itim na may bigote at mukhang mamamatay tao)
* sa mga hindi nakakakilala kung sino si Lizardo ay pinapayuhan ko kayo na manood kayo ng orihinal na bersyon ng Panday, kung saan gumanap si FPJ bilang Panday at Max Alvarado bilang Lizardo

Wag nating turuan ang mga bata na maging racist pag laki o mapag-isip ng masama sa ibang kapwa dahil lang sa kanyang kaanyuan, paniniwala o kabuhayan.

Pag matutulog na sa gabi o pag lalabas ng gabi...

Noong 1980's, nasa elementary pa lang ako nito, may mga pinapalabas noon sa IBC Ch.13, Pinoy Thriller na kasabay ding pinapalabas ang mga pelikulang katatakutan tulad ng Shake Rattle and Roll, Nightmare on Elm Street, Friday the 13th, Jason etc .

Sino ba naman ang hindi makakalimot at matatakot sa katagang ito: "Katakamtakam, putputaiiiiiiiii, Ano ang nasa dako paroon?" At kada mapapakinggan mo na ang lullabye na rock a bye baby o yung laro na "1-2 tie my shoe, 3-4 lock the door.." ay imbis na makatulog ka at magisip ng mga pleasant thoughts ay maiisip mo na baka may bakal na kamay ang hahablot sayo mula sa loob ng iyong kama.

"Sige ka pag di ka natulog kaagad lilitaw ang mumu!" o "Pag nagpumilit ka pa na lumabas kukunin ka ng undin!"

Palibhasa bata, masyado pang wild ang imahinasyon na sinasamantala ng mga matatanda. At dahil madaling mapaniwala ang mga bata, kung anu-ano na lang na katatakutan ang natatanim sa utak ng mga musmos na mga batang ire. Lumalaki tuloy na aning!

Pag nakagawa ng kasalanan...

Silipin ang "Pag masyadong makulit o ayaw sumunod sa nakatatanda..."

Matapos ang katakot-takot na palo, iyakan at kantahan, pagdildil sa asin o sa munggo, pag-balance ng mga mabibigat na libro na nakapatong sa mga kamay na nakaluhod and in T position, sa bumbay pa rin nagtatapos ang usapan. "Anak ng __ kang bata ka! Gusto mo bang ipa-ampon kita sa bumbay?"

Pag masyadong marumi, ayaw maligo o maghugas ng puwit pagkatapos tumae...

Bago pa nauso ang filler ng Parokya ni Edgar's sa kanilang Buruguduystunstugudunstuy album na "maghugas ng kamay pagkatapos mong tumae" o yung "pag wala nang tissue ay gumamit ng resibo" nauuso na noong araw ang tulang:

"Juan tamad nahulog sa kanal,
hindi nahugasan,
bulok ang tyan"
(tumatae kasi si Juan tamad nung panahong nahulog sya sa kanal)

"Kapag hindi ka naghugas ng puwit mo lalabas ang bulate/kalabaw/pari/madre/tikbalang dyan sa tyan mo!" o "Kapag di ka naligo, tutubuan ka ng bulate/kamote/palay/pigsa o babahayan ka ng kuto/garapata" (sa kabilang banda, may bahid ito ng katotohanan pero alam naman natin na ang magkaroon ng bahay kubo na kahit munti sa batok mo ay imposibleng mangyari)

Kaya nga ng mga panahong ito nauso at kumita ng malaki ang Combatrin. Pero napipigilan ba talaga na wag magpakadumi ang mga kabataan noon lalo na kapag naglalaro sa kainitan ng araw?

Minsan naiisip ko, sa tumataas na bilang ng mga batang obese na masyadong pinoprotektahan ng mga magulang sa sinag ng araw at alikabok o dumi ng daan, na hindi pinahihintulutan o hayaan na makapag-laro sa tapat ng bahay o kalsada, mas malulusog pa ang mga bata noong araw!

Bakit kamo? Dahil sa ang mga bata noon na mahilig maglaro sa labas ay nakakapag-ehersisyo sila at napapalakas nila ang kanilang mga buto at kasukasuan hindi tulad ngayon na lumalamon sa harap ng tv o habang naglalaro sa computer. Nakakakain ng tamang pagkain hindi yung mga junk foods, jollibee at kung anu-ano pang mga processed na mga pagkain. Malulusog kahit amoy araw, di tulad ngayon na mabango nga pero sakitin naman.

Mga nabanggit ko na mga scenario sa taas ay nakakatawa pero totoong nangyayari sa atin. Pero kung susuriin mas nakabubuti kung ito'y pagninilayan natin.

Paalala: Hindi po ganyan ang parenting style ng mama ko baka yaya ko pa. Kaya makaisang-libo din nating iisipin kung kanino natin ipinagkakatiwala ang ating mga anak o magiging mga anak. Dahil kung ano mang values at paniniwala na meron ang mga tagapag-alaga ay posibleng maipasa sa mga bata.

No comments: