Sa inaraw-araw na pagpasok ko sa opisina lagi na lamang akong nakakasagap ng mabahong usok at maduming hangin. Lumalabas ako ng bahay namin na amoy tao pero pagdating ko sa opisina, amoy taong grasa na ako.
Mas nairita pa ako kanina nang mapansin ko na unti-unting naglalagay ng maliit na palengke sa sidewalk sa Brgy. Buting sa Pasig City na kung saan ay araw-araw akong dumadaan. Grabe na ito. Amoy taong grasa na nga ako, mag-aamoy matador pa ako.
Hindi lang naman kasi yung amoy na masasagap ko ang kinaiinisan ko dito e. Kundi yung ginawang palengke yung sidewalk. Hindi ko alam kung ano ang gumagana sa utak ng mga taong nagpapatupad sa baranggay na yon, aning ba sila? Kaya nga tinawag na sidewalk para yung mga tao sa side nagwa-walk. Wala na bang pwedeng i-lugar ang palengke na yun? Nasa ibabaw pa man din yun ng tulay take note, tulad nung ginawa dun sa may tulay ng Pateros kung galing ka ng Comembo.
So natural ang mangyayari nyan, dahil sa gustong umiwas ng mga tao na maging amoy, karne, baboy at isda , at sa mga mamimiling hindi pa naliligo ay maglalakad sila sa gitna ng kalsada. Traffic ang kalalabasan!
Sa mga nakaraang araw din ang isa pang kinaiinisan ko ay yung mga Makati traffic enforcers. Para saan pa't nagtayo ka ng mga traffic lights dyan kung mga taong ito rin naman ang mga magmamando ng traffic??? Kaimbyerna di ba? Buti sana kung nakakatulong sila sa daloy ng trapiko pero minsan 5 mins ka nang nakatigil di ka pa rin pinago-go.
Tapos nung isang gabi...ginabi na ako sa pag-uwi. Alangyang yan...yung mga underpass sarado na! Kaya ang ginagawa ng mga tao ay sumasampa sa riles o naglalakad ng malayo para lagpasan ang mga riles (kung pa-demure epek ka) tapos saka tatawid sa daan. Explain ng mga ito I'm sure na kaya nila sinasarado ang mga underpass ay for safety reasons...dahil baka manakawan ka pag dumaan ka dun ng disoras ng gabi. Hindi ka nga mananakawan masasagasaan ka lang naman dahil nakikipagpatintero ka sa daan na walang pedestrian lane!
Minsan di mo maiwasang mag-isip ng masama sa mga taong nagpapatupad ng mga ordinansa. Kasi parang bang hindi pinagiisipang mabuti ang mga ginagawa nila. Nakakainis isipin na malapit na naman ang eleksyon at mas lalong nakakabuwisit kung alam mo na ang mga taong tatakbo ay nasa talampakan ang utak.
May pag-asa pa ba kaya tayo sa mga taong ito?
No comments:
Post a Comment