7.24.2007

Breakfast sa McDo Valero

Kumain akong magisa ng breakfast sa McDo kanina. Mahilig akong magobserba ng mga tao and i find this enjoying talaga. Umupo ako sa lamesa na pang-apatan. Wala na kasing ibang mauupuan dun. Sa tabi ng lamesa na iyon ay may divider sa isa pang pang-apatan na lamesa. May isang babae na maraming nang uban ang buhok na nakaupo dun. Unang tingin ko pa lang alam ko nang may sayad na sa utak ang babaeng ito.

Ginawa ko ang ritwal ko sa pagkain ng hotcake, hashbrown at kape. Nilagyan ko muna ng butter yung pancake. Dapat even para walang parte nun ang nakakalamang sa butter. Lalagyan ko na sana ng syrup pero wala palang naibigay. Humingi ako sa babae sa counter. Pati na rin ng ketsup...2 lang kasi ang binigay nung humingi ako ng 3. Pagkatapos nun ay nilagyan ko na ng 2 creamer at 2 sugar yung kape. Hmmm...parang kulang pa sa tamis pero ok lang matamis naman ang pancake.

Habang kumakain ako nag-iisip ako ng kung anu-ano. Walang kinalaman sa trabaho ko o sa kakulangan ko sa love life. Iniisip ko kung gaano ka-wierdo ang suot ng photographer na malapit sa counter. Ganun ba magsuot talaga ang mga photographer ng ABS-CBN? Daming abubot sa katawan. Para bang maghahiking sa bundok. Maduming tingnan. May kung sino silang iniintay. May listahan pa nga silang tinitingnan para bang naghahanda ng raid. Di kaya sa XXX sila?

May isang grupo ng tila mga call center agent. Kumpol kumpol sa mahabang lamesa...sa iba't ibang lamesa. Wala naman akong nakikitang may kinakain o kalat man lang sa lamesa. Tambayan na nga ata talaga yun ng mga agents. Parang mga high school students...maingay.

Napatingin naman ako dun sa mag-asawa na nakaupo sa may gilid ko. Tinititigan nila yung babaeng baliw na malapit sa tabi ko. Iniisip nila marahil kung paano siya nakapasok sa McDo. Iniisip nila na hindi siya dapat pinayagan ng security guard na makapasok.

Tiningnan ko ang mga dala ng babae. Beaded bag na may kulay ng pink, apple green, purple at blue, at isang brown plastic bag na pawang madudumi na. Andun siguro lahat na ng ari-arian nung babae. Tiningnan ko ang mukha nya. Nakangiti, at maaliwalas ang mukha. Wala siyang in-order sa McDo. Maayos at malumanay siyang humingi ng tubig na maiinom sa waiter. Kung hindi dahil sa itsura ng mukha at pangiti-ngiti eh di mo mapagkakamalan na baliw dahil sa ayos ng pagsasalita. Sa isang banda inisip ko rin na baka isa rin syang taong weirdo lang manamit at magdala tulad ng photographer.

May isang customer na nagmagandang loob sa kanya. Binigyan siya ng pagkain. Natuwa naman ang babae at nakangiti niyang kinain ang mga binigay sa kanya. Para nga siyang may ibang kinakausap pero wala naman talaga. Napatitig ako bigla sa kanya. Napatitig din sya sa akin. Medjo matagal hanggang sa na-realize ko na matagal na pala akong nakatingin sa kanya. Binaling ko ang tingin ko sa iba. Hindi ko dapat ginawa yun. Hindi dahil sa baka magalit siya o kung ano pa man, dahil sa nakakabastos ang tumitig sa hindi kakilala.

Iniisip ko, bakit kaya di siya pinaalis? Kasi katulad din siya ng mga call center agents na naghahanap din ng matatambayan.

No comments: