Naglalakad ako sa RP para bumili ng pagkain para sa tanghalian, galing kasi ako ng UP Manila para sa aking practicum. Di ko mapigilan ang luha ko.
Paulit-ulit kong nakikita sa isipan ko ang larawan nilang dalawa. Yakap-yakap niya ang kaniyang nobya. Bakas sa mukha niya ang kaligayahan.
Alam kong maligaya na siya. Maligaya na rin ako para sa kanya pero hindi ko maitatago ang kirot na nararamdaman ko sa dibdib ko. Gusto kong humagulgol, gusto kong sumigaw...para akong nakipaghiwalay sa ikalawang pagkakataon.
Lahat ng alaala bumalik, lahat ng nararamdaman na pinilit na binabaon sa kaibuturan ng aking mga lamang loob ay biglang pumaimbabaw. Kahit anong pagtatahan ang sinasabi ng utak ko sa aking puso, hindi nito mapigilang dumugo.
Sobra akong nalulungkot dahil ang katiting na pag-asa na natitira sa akin ay wala na. Wala nang talaga ang pinakamamahal ko. Matagal nang wala.
Akala ko ok na ako, hindi pa pala. Larawan pa lang ang nakita ko, ano pa kaya kung silang dalawa na ang kaharap ko?
Kaya mag-uumpisa na naman ako nito. Ngayon, wala nang pagpapanggap na matapang ako, wala nang pagpapanggap na malakas ako, wala nang pagpapanggap na kaya ko...dahil hindi.
No comments:
Post a Comment